Babawi sa pro-people, pro-poor na batas

Kumpiyansa ang mga kongresista na maka­kabawi ang bumabang rating ng kanilang lider na si Speaker Pantaleon Alvarez.

Buo ang paniniwala ng House members na muling aangat ang ratings ni Speaker Alvarez lalo na kapag naunawaan ng mga mamamayan na maraming panukalang batas na pro-people, pro-poor, at nagtataguyod sa kaunlaran ng bansa ang naaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng matatag na leadership nito.

Batay kay Quezon City Rep. Winston Castelo, isa marahil sa nagpababa sa ratings ni Alvarez ay ang naging desisyon ng Kamara na bigyan ng P1K na budget ang Commission on Human Rights (CHR).

Sinabi pa nito na normal at pansamantala lamang ang pagbaba ng rating ni Alvarez.

Inihayag naman ni Isa­bela Rep. Rodito Albano, miyembro ng Commission on Appointments (CA) na ‘decisive’ at ‘hard-working leader’ si Alvarez patunay na aniya ang sandamukal na accomplishments ng Kamara ngayong 17th Congress.

Batay sa resulta ng Pulse Asia Survey na inilabas nitong Biyernes, Oktubre 13, ngayong taon ang approval rating ni Alvarez ay 33% nitong Setyembre na mababa ng 10 puntos sa June approval rating nito na 43% percent. Nakapuntos naman ito ng 31% na trust rating.

Sa survey naman ng Social Weather Stations (SWS) mula sa +16 ay naging +8 ang net satisfaction rating ng pinuno ng Kamara.