Walang silbi ang reporma sa income tax na nais maipatupad ng administrasyon dahil babawiin naman nila sa pagtataas ng excise tax ng mga produktong­ petrolyo na tiyak na ipapasa naman ng mga negosyante­ sa mga consumers.

Palagay ko, hindi na baleng huwag nang galawin ang kasalukuyang sistema ng income tax na 32% kung ang kapalit naman nito ay pagtataas ng presyo ng mga bilihin at hindi na ililibre sa value added tax (VAT) ang mga senior citizens at People With Disabilities (PWD).

Hindi ako magaling sa math pero ang daling ­kuwentahin na ang malilibreng income tax sa mga manggagawa na sumasahod ng P250,000 kada taon ay babawian ng higit pa sa 32% sa pamamagitan ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Tingnan niyo ha, itataas ang excise tax ng lahat ng mga produktong petrolyo kasama na ang diesel na karaniwang ginagamit ng mga manufacturers sa kanilang pabrika.

Palagay niyo ba hindi ipapatong mga manufacturers­ ang kanilang dagdag na gastos sa langis sa kanilang produkto? Ang hindi magdagdag ng presyo na negos­yante kapag tumaas ang kanilang production cost ay pilantropo pero wala nang ganyan.

Siyempre tataas din ang bili ng mga transport ­sector ng diesel na kanilang ginagagamit kaya pala­gay­ niyo hindi sila magtataas ng pamasahe? Hindi ‘yan mangyayari.

Ang LPG na halos lahat ng mga tao sa Pilipinas ay gumagamit, kahit sa mga probinsya dahil bihira na ang gumagamit ng kahoy na panggatong, tiyak na tataas din ang presyo dahil papatawan na rin ito ng excise tax kada kilogram.

Sa ngayon exempted ang LPG sa excise tax pero kapag siningil na ito ng P6 per kilogram, palagay niyo aakuin ng supplier ang buwis? Hinding-hindi mangyayari ‘yan.

‘Yung panggatong din ng mga power generation plant sa paggawa ng kuryente, kasama sa papatawan ng excise tax kaya tiyak din na magkakaroon ‘yan ng epekto sa presyuhan ng kuryente dahil kahit kailan ang mga power industry players ay hindi nagpapalugi.

Ilan lang ‘yan sa mga tataas ang presyo, lahat ng kailangan mo mula paggising hanggang pagtulog mo ay tataas ang presyo. Kuwentahin mo kung may time ka, malamang madismaya ka.

Kailangan daw kasi ng gobyerno na mabawi ang P179 billion na mawawala kapag nagbaba sila ng income tax at alam niyo kung magkano naman ang mababawi nila sa pagtataas pa lamang ng excise tax? P178 billion.

Ang problema, dahil nga tataas ang lahat ng mga bilihin, lahat ng mamamayang Filipino, kasama na ang mga magsasaka, mangingisda, pati ang mga ­ordinaryong mamamayan ay tatamaan.

Kung talagang gustong makatulong ng gobyerno sa mga ordinaryong manggagawa para gumaan naman ang buhay at maiuwi nang buo ang kanilang sahod sa kanilang pamilya eh huwag nang bawian.

Seryosohin ang pagkolekta sa buwis. Habulin ang mga delingkuwenteng taxpayers at ‘yung mga smugglers na nakakaiwas magbayad ng buwis dahil sa pakikipagsabwatan sa kanila ng mga taga-gobyerno ­dahil kung magagawa ‘yan, mas malaki ang makukuh­a kumpara sa P179 billion na mawawala sa paglibre ng income tax ng mga ordinaryong manggagawa. (dpa_btaguinod@yahoo.com)