Baby nabitawan ng ina sa biyahe, patay

Patay ang isang da­lawang-buwang sanggol nang aksidente itong mahulog sa isang kulong-kulong o tricycle sa national road ng Brgy. Magsaysay, Santa, Ilocos Sur noong Lunes.

Kinilala ng Santa Police Station (SPS) ang biktima na si Jelyn Munar, ng nasabing barangay.

Ayon sa SPS, bago ang insidente, kalong umano ng ina ng biktima na si Elena ang sanggol at sakay ang mga ito sa kulong-kulong na minaneho ni Geralbie Bodaño Manuel, 39.

Pagsapit sa kurbadang bahagi ng kalsada sa Brgy. Magsaysay, nawalan umano ng balanse ang monoblock chair na kinauupuan ng mag-ina kaya aksidenteng nabitawan ni Elena ang anak.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng mga sugat sina Elena at Jelyn kaya mabilis na isinugod sa Ilocos Sur Provincial Hospital-Gabriela Silang ngunit dineklerang dead-on-arrival ang sanggol. (Allan Bergonia)