Maagang binawian ng buhay ang isang 11-buwang sanggol matapos umano itong ilublob hanggang sa malunod sa isang timbang tubig ng kanyang ina sa Cebu City kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, iniwan ng lolo ang mag-ina sa inuupahan nilang kuwarto para bumili ng tubig noong Biyernes (Hulyo 26) pero pagbalik niya pasado alas-sais ng gabi, natagpuan niya ang sanggol na babaeng apo na wala nang malay habang nasa timba na puno ng tubig sa loob ng banyo.
Nadala pa sa ospital ang sanggol pero binawian din ito ng buhay.
Ini-report niya sa mga pulis ang insidente na nagresulta sa pagkakaaresto sa 31-anyos na suspek na ina ng sanggol.
Ayon sa lolo, nagtungo sila sa Cebu mula sa Lanao del Norte para umano magpagamot sa isang albularyo dahil sa pabalik-balik na lagnat at ubo ng sanggol.
Nakakulong na ang suspek sa Watefront Police Station.
Isasailalim siya sa pagsusuri upang mabatid kung may sakit sa pag-iisip dahil kuwento ng lolo, nang pumasok siya sa kuwarto para hanapin ang apo, ang tanging sabi ng ina ay hindi niya kilala ang bata sa loob ng CR.
Ipinagamot umano noon ang suspek matapos makaranas ng depresyon.
Sasampahan ng mga pulis ng kasong parricide ang suspek.