Baby sa tummy ginamit sa pangongotong

Arestado ang isang 9-buwang buntis nang kotongan at i-black mail ang mag-asawang negosyante hinggil sa ipinagbubuntis nito Imus City, Cavite.

Nakakulong ngayon sa Imus City Custodial Center ang suspek na si Angelina Bayot, 32-anyos, ng No. 180-C bankers Village, Bucandala 2, Imus City, Cavite matapos ireklamo ng isang Nanette at mister nito.

Sa ulat ni PSSgt. Dariu­s Dela Viña ng Imus City Police Station, alas-sais kamakalawa nang hapon nang isagawa ang entrapment operation laban sa suspek sa Chowking sa Aguinaldo Highway, Brgy. Patindig Araw, Imus City, Cavite.

Nauna rito, nagreklamo ang biktima sa pulisya hinggil sa pangongotong ng P50,000 ng suspek kapalit ng hindi nito pag-report sa pulisya matapos umano siyang buntisin ng asawa ni Nanette.

Ayon kay Vina, nakilala umano ng suspek ang lala­king biktima sa isang supermarket kung saan dati itong cashier at regular costumer ang lalaki.

Dagdag pa ni Vina na nagpadala pa ng post sa messenger ang suspek ng kanyang litrato na buntis ito at ultrasound kaya nangangailangan ito ng pera para sa kanyang pa­nganganak.

Itinanggi naman ng mister na may relasyon ito sa suspek. (Gene Adsuara)