Baby tigok sa lollipop

Isinugod sa ospital pero hindi na umabot ng buhay ang isang batang babae sa Pasay City makaraang malunok nito ang isang lollipop kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat ng tanggapan ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, dakong alas-siyete ng gabi nang maganap ang insidente sa Ascaño St., Brgy. 176 sa Malibay kung saan nakatira ang dalawang taong gulang na paslit.

Nabatid na unang ini-report na ginahasa ang biktima ng isang Leopoldo Corsino, 28-anyos at jeepney driver, na kapitbahay ng paslit.

Lumalabas kasi, batay na rin sa pahayag ni Corsino, na nakatayo siya sa inuupahang kuwarto nang lumapit sa kanya ang biktima at pinatanggal ang balat ng lollipop.

Pagkatapos mabalatan ni Corsino ang lo­llipop ay hindi na umano umalis sa kanyang tabi ang paslit.

Makalipas ang ilang minuto nakita na lamang ni Corsino na nakabulagta na ang biktima at walang malay kung kaya’t agad siyang humingi ng tulong sa kamag-anak ng paslit na si Lorraine Ann Concepcion at isinugod ang bata sa nasabing pagamutan.

Idineklara ni Dr. Cesar Syquia ng San Juan De Dios Hospital na dead-on-arrival ang bata.

Ayon naman kay Police Lt. Allan Valdez, officer-in-charge ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police, kinausap sila ni Dr. Syquia para imbestigahan ang pagkamatay ng paslit dahil mukhang may naganap umano na foul play matapos makita na lumaki ang butas ng puwet nito at may lumalabas na dugo.

Agad namang ini-report ng ina ng paslit na si Shiela Enriquez sa Pasay City Police ang insidente na naging dahilan upang ­arestuhin si Corsino sa pag-aakalang ginahasa nito ang bata.

Upang makasiguro, isinailalim sa autopsy ang mga labi ng paslit at alas-10:00 ng umaga nitong Biyernes ay lumabas ang resulta ng pagsusuri kung saan ‘asphyxia by choking’ umano ang ikinamatay ng biktima matapos itong mahirapang huminga nang bumara sa kanyang lalamunan ang kinaing lollipop na kasama pa ang plastic stick nito.

Hinala ng pulisya na posibleng nalunok ng buo ang lollipop ng paslit
Pansamantala namang pinalaya ng mga pulis ang suspek pero patuloy pa ring iniimbestigahan ang insidente. (Armida Rico)