BACK ON TOP!

DOMINANCE --- Si Finals MVP Jeron Teng nang tinastas ang net sa Smart Araneta Coliseum matapos kumpletuhin ng La Salle ang dominasyon sa UAAP Season LXXIX, huli ang 79-72 win laban sa Ateneo para walisin ang Eagles sa Finals. (Patrick Adalin)

Kinumpleto ng De La Salle ang dominasyon sa UAAP Season LXXIX, huling kikig ang 79-72 panalo laban sa mahigpit na karibal na Ateneo para tuhugin ang titulo ng men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum kahapon.

Hindi nakumpleto ng Green Archers ang 14-game sweep sa elimination round nang dungisan ng Blue Eagles bago ang playoffs.

Balik sa tuktok ang La Salle, huling nakapag-uwi ng korona noong 2013.

Tinuhog ng Archers ang pang-siyam na UAAP title.

Nagsanib-puwersa sa opensa sina Finals MVP Jeron Teng at Season MVP Ben Mbala para tulungan ang La Salle­ na walisin ang Ateneo sa best-of-three series.

“Sobrang hirap nito, ang daming pressure pero ayaw magpatalo ng players and coaches,” masayang saad ni DLSU head coach Aldin Ayo.

Matapos sikwatin ang NCAA title noong nakaraang season para sa Letran, ang UAAP crown naman ang ibinulsa ni Ayo sa kanyang unang taon sa liga at sa La Salle.

Sa kanyang game finale sa collegiate league, tumikada si Teng ng 28 points. Nag-ambag si big man Mbala ng 18 points at 10 rebounds tungo sa panalo ng Taft-based squad na sinaksihan ng 17, 495 fans na nasa loob ng Big Dome.

“I just wanted to play my best for La Salle,” ani Teng, isinukbit ang ikalawa niyang UAAP crown.

Instrumento ang graduating na si Teng sa 14-5 run ng La Salle para sa 39-27 bentahe sa second quarter.

Huling hiyaw ng Blue Eagles, 73-69, sa final 2 minutes pero determinadong tapusin ng Green Archers ang laro sa Game 2, hindi na pumayag na makadikit ang mga taga-Katipunan.

Kumana ng malutong na dunk si Mbala sa home stretch at naapula ang paghahabol ng Blue Eagles.

Si Mike Nieto ang namuno sa opensa ng Ateneo na may 18 points at three ­rebounds, may tig-10 markers sina Adrian­ Wong at Raffy Verano.

Mga iskor:

DLSU 79 — Teng 28, Mbala 18, Montalbo 9, Melecio 7, Caracut 5, Perkins 4, Torres 3, Tratter 2, Rivero P 2, Sargent 1

Ateneo 72 — Nieto Mi 18, Wong 10, Verano 10, Asistio 9, Go 8, Ikeh 6, Nieto­ Ma 4, Ravena 3, Black 2, ­Tolentino 2, Porter 0, Babilonia 0

Quarterscores: 22-16, 45-35, 59-52, 79-72.