Sumandal ang National U sa kanilang power game at matinding depensa sa net para walisin ang Ateneo 19-25, 25-18, 25-22, 21-25, 15-4 at kumpletuhin ang back-to-back championship sa Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference kagabi sa tinaong PhilSports Arena sa Pasig.
Kahit ang suporta ni Alyssa Valdez sa bench, hindi nakatulong para makahirit ang Lady Eagles ng winner-take-all. Nakauna rin ang NU 25-21, 19-25, 23-25, 25-18, 18-16 sa Game 1 noong Lunes ng torneo na hatid ng Shakey’s at suportado ng Mikasa at Accel.
Sa deciding set, rumesponde sina Jorelle Singh at Jasmine Nabor para bak-apan si MVP Jaja Santiago.
Bumomba ng back-to-back hits si Singh na pumagitna sa error ni Jhoanna Maraguinot tungo sa 13-4 lead ng Lady Bulldogs. Pagkatapos nito, dalawang swipe ang pinalusot ni lefty Nabor para tapusin ang Lady Eagles, hudyat ng selebrasyon ng NU sa court.
Si Nabor ang tinanghal na Finals MVP.
Tatlong titulo na ng V-League ang sinasagpang ng Lady Bulldogs, noong nakaraang taon ay winalis din ang Lady Eagles sa finale. Una nilang kampeonato noong 2013 sa Season 10 laban sa Ateneo din sa sagarang three games.
Sa battle for third, nakopo ng UP ang bronze nang bawian ang FEU 25-18, 25-21, 32-34, 25-21.
Nakipagsabayan ang Lady Maroons sa see-saw battle sa fourth bago pininturahan ang seven sa last nine points para sa panalo. Nagsumite ng tig-24 hits sina Nicole Tiamzon at Isa Molde, may 12 markers si Diana Carlos.
Dahil winalis ng NU ang Ateneo sa championship, third placer na ang UP kahit tabla ang sarili nilang serye ng FEU sa 1-1 dahil sa mas mataas na tiebreak.