Winalis sa tatlong sets pero dumaan pa rin sa butas ng karayom ang Petron bago nakuha ang back-to-back titles ng Philippine Superliga All-Filipino Conference.

Pahirapan na hinataw ng Blaze Spikers ang 25-22, 26-24, 25-23 panalo kagabi laban sa mahigpit na karibal na F2 Logistics sa do-or-die Game 3 finals sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nagsanib-puwersa sina Aiza Maizo-Pontillas, Cherry Rondina, Mika Reyes at Rhea Dimaculangan upang makuha ang matamis na titulo.

Umalagwa agad ang Blaze Spikers­ sa simula ng second set matapos hatawin ang 7-2 bentahe, subalit gumapang ang Cargo Movers at naagaw nila ang bentahe 10-11.

Hindi nasiraan ng loob ang Petron nakipagdikdikan sila hanggang sa dulo upang makuha ang panalo sa set two at ilista ang 2-0 abante sa event na suportado ng Isuzu, Mueller, Asics, Mikasa, Senoh, Bizooku at Genius Sports bilang technical partner.

May pagkakataon sanang mabingwit ng F2 Logistics ang second frame, lamang sila 24-23 subalit nag-error sa service si Aby Marano kaya nagkaroon ng pagkakataon ang Blaze Spikers.

Ganadong inumpisahan ng Blaze Spikers ang set 3, humataw agad sila ng 5-0, nag-service error lang si Rhea Dimaculangan kaya nakapuntos ang Cargo Movers.

Naidikit pa ng F2 Logistics ang iskor 4-5 hanggang sa maitabla pa nila sa 7-all.

Panglimang beses nang nagharap ang Petron at F2 Logistics sa finals, kasama ang makapigil-hiningang bakbakan nila sa 2017 Grand Prix kung saan si Venezuelan import Maria Jose Perez ay naglaro sa Game 2 kahit namatayan siya ng kapatid. (Elech Dawa)