Nag-rally ang Ateneo sa dulo ng fourth bago sinamantala ang tutulug-tulog na depensa ng ­National U para kumpletuhin ang 25-14, 18-25, 25-20, 25-20 panalo at dagitin ang titulo ng Spikers Turf Season 2 Collegiate Conference sa PhilSports Arena sa Pasig kahapon.

“We’re happy to win again and we hope to sustain our form in the UAAP,” ani coach Oliver­ Almadro, ngayong naka-back-to-back titles sa Spikers Turf ay nakatanaw naman sa paghatid sa Eagles sa three-peat sa 79th UAAP.

Mula sa 18-16 deficit sa fourth, inari ng Ateneo ang sumunod na six points bago iginuhit ang apat sa sumunod pang lima, dalawa mula sa errors ng Bulldogs at nakumpleto ang 2-0 finals sweep sa loob ng 1 hour, 33 minutes.­

May tig-15 sina Marck Espejo at Russian-­American Paul Koyfman kasama ang combined 28 kills para sa Eagles, noong nakaraang taon ay winalis din sa titulo ang Bulldogs. Si Espejo ang Conference MVP, ibinulsa ni 6-foot-8 Koyfman ang Finals MVP.

Bumakas ng seven points si Joshua Villanueva, may tig-six hits sina Rex ­Intal at Karl Baysa, namigay ng 36 excellent sets si Joner Polvorosa sa Eagles.