Nasanay na tayo na tuwing magpapalit ng pinuno sa isang lugar pagkatapos ng eleksyon o kahit sa isang tanggapan sa pribado o pampublikong tanggapan ay may mga binabagong polisiya.
Ang ganitong istilo ang kadalasang nagiging sagabal sa pag-unlad.
Isang malinaw na halimbawa ay ang pagpapalit ng mga pinuno ng mga tanggapan ng gobyerno.
Kung saan kapag nagpapalit ng pinuno ay nababalewala na ang anumang sinimulang programa o proyekto ng pinalitang opisyal kahit ito ay maganda at nagdudulot ng benepisyo sa nakararami.
Kaya naman natutuwa tayong marinig ang tinuran ng bagong talagang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na si ex-Army Gen. Danny Lim na wala siyang planong ipatupad na mga bagong polisiya o kautusan.
“Back to basic”, aniya, ang nais niyang mangyari sa ilalim ng kanyang pamamahala sa MMDA.
Saludo tayo sa nakikitang solusyon ng bagong appointee ng MMDA sa hindi malutas-lutas na problema sa trapiko sa Metro.
Tama naman si Chairman Lim, dapat munang ipatupad ang mga “basic” na panuntunan bago magdagdag ng kung anu-ano pa dahil ang karamihan sa mga tinatawag nating “basic” ay hindi nasusunod.
Kaya tama lamang na balikan ang mga basic na polisiyang iniimplementa upang maging gabay sa pagresolba sa problema sa trapiko.
Sabagay karamihan naman talaga ng mga ipinatutupad na kautusan at polisiya ng MMDA ay matagal nang panahong ipinatutupad kanya nga lamang kulang sa implementasyon dahil may kaluwagan ang mga tauhan ng MMDA sa pagpapatupad.
Maliban pa siyempre sa usapin ng aregluhang nangyayari sa pagitan ng mga nahuhuling motorista at ng mga traffic enforcers.
Bunsod nito imbes na maraming mapatinong mga motorista dahil sa paghuli sa mga ito na may katumbas na multa o parusa ay hindi sila napaparusahan dahil nakukuha sa suhol ang ilang enforcer.
Kaya sa pamumuno ni Chairman Lim ay hangad natin ang kanyang tagumpay na nabigong makamit ng mga nagdaang pinuno ng MMDA dahil sa halip na magpatupad ng mga basic na solusyon sa trapiko sa Metro ay kung anu-anong eksperimento ang ginagawa kaya ang resulta ay palagiang pagsablay.