Bad breath na aktor binuking nina Oro, Jaclyn

NI: ARCHIE LIAO

Naging panauhin ni Direk Adolfo Alix,Jr. ang mga beterana at award-winning aktres na sina Gina Alajar, Elizabeth Oropesa, Lorna Tolentino, Sandy Andolong at Jaclyn Jose sa #ExtendtheLove Cinema Series presents Actor’s Cue, isang online show na layuning makalikom ng pondo para sa displaced workers na apektado ng COVID-19 pandemic.

Pinag-usapan nila ang mga naging karanasan nila sa pakikipagtrabaho sa kanilang mga direktor tulad nina Ishmael Bernal at Lino Brocka.

Naikuwento nina Oro, Jaclyn, Sandy at LT ang kanilang ordeal kay Ishma samantalang si Gina ay nagbigay pugay naman sa kanyang mentor na si Brocka.

Ibinahagi rin nila ang kanilang karanasan sa pakikipagtrabaho sa mga young star at ang napansin nila sa work ethic ng mga ito.

Binuksan din ni Oro ang usapan tungkol sa experience nila sa kissing scenes sa kanilang leading men.

Hirit ni Oro, may karanasan daw siya sa isang actor na pinagsabihan niyang mag-toothbrush dahil hindi niya masikmura ang bad breath nito.

Kalauna’y tinukoy niya itong ang beteranong actor na si Julio Diaz.

Sinegundahan naman ito ng Cannes best actress na si Jaclyn Jose na may kaparehong karanasan.

Sa kaso naman ni Gina, may naging kapareha raw siya noong kumakain ng pusit kaya ang ginawa niya ay tumira rin siya ng pusit para amanos na sila para maitawid ang kanilang laplapan.

Para naman kay LT, so far, wala raw naman siyang ganoong embarassing experience sa kanyang leading men.