Swak sa kalaboso ang isang babaeng lasing matapos magwala at gumawa ng eskandalo, kamakalawa ng madaling-araw sa Sta. Mesa, Maynila.

Kinilala nina PO1 Jhoemar Mariano San Gabriel, at PO1 Ma. Rhealyn Ilaw Lincallo, rumespondeng mga pulis ng Manila Police District—Police Station 8 (MPD-PS 8), ang babaeng nagwala na si Cristina ‘Neneng’ Serrano Abenias, 35, at taga-3500 Altura Ext., Sta. Mesa, Maynila.

Ayon sa reklamo ng barangay kagawad na si Mauro Cruzado Jr., dakong alas-12:30 ng hatinggabi, nang bigla umanong manggulo at magwala si Abenias sa nasabing lugar.

Tinangka pa umano nilang pakalmahin si Abenias, pero nagpumig­las at nanlaban nang tangkang posasan ng mga barangay tanod na sina Marinie Garcia at Rosemarie Lugtu ang suspek.

Sa bandang huli nang maposasan, dinala sa Ospital ng Sampaloc si Abenias para sa eksaminasyon, at doon lumabas na positibo ito sa alak.

Nahaharap sa kasong Violation of Revised Ordinance 7498 (Drunk and Disorderly Conduct), Oral Defamation, Alarm and Scandal and Resisting Arrest, si Abenias.