Nalambat ng mga awtoridad ang nasa tatlong mga kabataang lalaki matapos umanong mag-trip ang mga ito at basta na lamang na manggulpi ng isang 14-anyos na binatilyo rin sa Lungsod ng Navotas kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni PO1 Frances Ann Pena ng Navotas City Police – Women and Children Protection Desk (WCPD), ganap umanong alas-dos ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng M. De Vera Street, Barangay Sipac Almacen.
Naglalakad umano ang biktimang itinago sa pangalang Leo, 14-anyos kasama ang ilang kaibiĀgang mga kababaihan nang bigla na lamang umano itong hablutin ng mga suspek na sina Joseph Cipres, 18-anyos at dalawang itinago sa mga pangalang Ruel, 17-anyos at Dan, 14-anyos saka ginulpi.
Tila hindi pa nakuntento at kahit lugmok na sa kalsada ang biktima ay hinampas pa umano ng isa sa mga suspek ang biktima sa ulo gamit ang bote ng softdrinks.
Agad namang nakahingi ng saklolo sa mga nagpapatrulyang sina Barangay tanod Celso Real at Ronald Peralta ang mga kasama ng biktima na nauwi sa agarang pagkakadakip sa tatlong suspek.
Mabilis ding nalaman ng ina ng biktima ang insidente na tagaroon rin lamang sa lugar at agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang anak.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na rin ng Navotas City detention cell si Cipres habang nakatakdang i-turn over sa Social Welfare Development ang dalawang menor-de-edad.