Nasawi ang isang binatilyo makaraang pagtulungang bugbugin at saksakin ng mag-ama na kapitbahay nito sa Binondo, Manila.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Gat Andres Boni­facio Hospital ang biktimang si Jayson Empenado, 17, residente ng Gate 8 Area B, Parola Compound, Tondo, Maynila sanhi ng tinamong saksak sa leeg.

Samantala, pinaghahanap ang mag-ama na suspek na sina Joel Trini­dad Sr., 40-anyos, tricycle driver, at Joel Trinidad Jr., alyas Weng-Weng, 16, helper, at kapwa nakatira sa 101 Gate 46, Area B, Parola Compound, Binondo, Maynila.

Sa ulat ni Det. Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-nuwebe kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng C. M. Recto, malapit sa kanto ng Carmen Planas St., Binondo.

Sinasabing bago ang krimen, nagkaroon ng mainitang pagtatalo at nagpambuno ang naka­babatang Trinidad at biktima kung saan hinampas ng huli ng matigas na plywood ang braso ng una habang may hawak namang monoblock.

Sa puntong iyon, dumating naman ang matandang Trinidad at nang makita ang pangyayari ay agad itong naglabas ng patalim at walang pakundangang sinaksak sa leeg ang biktima na bagama’t duguan ay nagawa pang makatakbo papalayo, su­balit kalaunan ay bumagsak sa kalsada.

Matapos ang krimen ay kaswal lamang na nag­lakad patakas sa lugar ang mga suspek na hinahanap na ngayon ng mga awtoridad.