Agaw-buhay ang 19-anyos na estudyante matapos na walang habas na pagsasaksakin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na umano’y bangag sa ipinagbabawal na gamot sa Lungsod ng Navotas kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Navotas City Police Homicide Unit partikular na nina PO3 Philip Edgar Valera at PO1 June Paulo Apellido ay ganap umanong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Dalagang Bukid Street, Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod.
Naglalakad umano ang biktimang si Albert Tulanag na residente ng Barangay Sipac Almacen sa nasabing kalsada nang biglang sunggaban ng hindi pa nakikilalang suspek na ayon sa mga residente sa lugar ay adik at halatang bangag na naman sa bawal na gamot.
Walang anu-anong bigla na lamang umanong pinagsasaksak ng suspek ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang walang kadahi-dahilan.
Agad namang sumaklolo ang mga residente sa lugar na nakakita sa insidente na hindi pa agad nakalapit sa biktima matapos mang-amba ng patalim ang suspek bago tuluyang tumakas nang dumami na ang tao.
Agad namang naisugod sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktima.