Bagets namaril nang dahil sa pag-ibig

By Allan Bergonia

Kalaboso ang isang menor-de-edad at pinsan nito dahil sa umano’y pamamaril sa isang lalaki noong Huwebes sa Laoag City, sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kinilala ng Laoag City Police Station (LCPS) ang suspek na si alyas ‘Darwin’ at alyas ‘John’, kapwa nakatira sa nasabing siyudad.

Ang binaril ng mga ito ay kinilalang si Berling Rangasan, karibal ni Darwin sa isang babae.

Sa imbestigasyon ng Laoag City LCPS, may kinakausap umano na babae si Rangasan nang bigla siyang pinukpok ng mga suspek sa ulo.

Ayon sa LCPS, tumakbo ang biktima pero hinabol at pinagbabaril siya ng mga suspek na lulan ng isang motorsiklo.

Lumalabas na nag-ugat ang krimen dahil sa pamimilit umano ni Rangasan sa babaeng kausap nito na magpadala ng mga malalaswang larawan na umano’y nililigawan ni Darwin.

Sinabi ng pulis na itinanggi ng mga kaanak ng biktima ang mga paratang sa kaniya.

“Nagkataon lang na nakita niya ‘yung bata sa harap ng simbahan ng Mormons,” ani Nida Acantilado, tiyahin ng biktima.

Tumanggi naman na magbigay ng pahayag ang mga suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunition, paglabag sa election gun ban, at attempted murder.

Nakatakdang i-turnover ng LCPS si Darwin sa Department of Social Welfare and Development(DSWD) Laoag City.