Bagets pinatay sa onsehan sa drugs

dead-pusher

Patay ang isang 18-anyos na ­binatilyo ma­tapos itong pagbaba­rilin ng dalawang ­lalaki makaraang magka-­onse­han sa droga kamaka­lawa ng gabi sa ­Makati City.

Dead-on-arrival sa Ospital ng Makati ang biktimang si John Fernando, 18, nakatira sa Block 116, Lot 2, J.P. Rizal St., Brgy. Rizal ng naturang lungsod dahil na rin sa tinamo nitong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Ayon sa pagsisiyasat ni SPO2 Alfred Reyes ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, naganap ang insidente alas-sais ng gabi sa isang open court sa Bonifacio St., Brgy. Rizal ng naturang siyudad.

Habang nanonood ang biktima ng basketball ay biglang sumulpot ang da­lawang suspek na naglala­kad lamang at walang salitang pinagbabaril ang una.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang ang biktima ay agad na dinala ng kanyang mga kaanak sa naturang pagamutan subalit dineklara itong patay na.

Ayon sa pulisya, isa sa nakita nilang motibo nang pagpaslang sa biktima ay onsehan sa droga.

Gayunpaman ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente.