Bagets tinigok ng kaalitan, helper sugatan sa ligaw na bala

dead-body

Patay ang 15-anyos na out-of-school youth nang barilin ng isang hindi kilalang suspek na hinalang nakaalitan nito, habang sugatan naman ang isang helper nang tamaan ng ligaw na bala kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Aldrin Pumarca, residente ng Barangay 105, Happy Land, Tondo, pero nasawi rin dahil sa tama ng bala sa dibdib at kaliwang bahagi ng ba­lakang.

Nasugatan rin si Christopher Fernandez, 20, helper at residente rin ng Happy Land, nang mahagingan ng ligaw na bala sa kaliwang bahagi ng noo.

Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Dennis Turla, ng Manila Police District – Homicide­ Section, dakong alas-12:35 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa Road 10, tapat ng Aroma Compound sa Tondo.

Ayon kay Fernandez, kumakain siya sa natu­rang lugar nang mapansin ang biktima na tumatakbo at hinahabol ng suspek na armado ng sumpak.

Hanggang sa pinagbabaril ng suspek ang biktima na kaagad bumagsak, habang natamaan din ng stray bullet si Fernandez.

Agad naman na tumakas ang hindi nakila­lang salarin, na inilara­wang nasa edad na 30 hanggang 35, may taas na 5’7”, katamtaman ang laki ng katawan at may tattoo sa kanang braso.

Dinala naman ni Eric Fullente, tricycle driver,­ sa nasabing pagamutan ang dalawang biktima pero idineklara ni Dra. Rizza Celina Cabalfin si Pumarca na patay na dakong ala-1:05 ng mada­ling-araw.

Patuloy namang ina­alam ng pulisya ang pagkakilanlan ng suspek at motibo sa pagpatay sa biktima.