Mapangahas ang a­mats ng tinomang alak ng dalawang binatilyo matapos na mangharang at manaksak ang mga ito sa madilim na bahagi ng Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dahil sa kakaibang trip ay sugatan ang 21-an­yos na babaeng rider na nakursunadahang saksakin ng mga menor-de-edad na nasa edad 15-16 na humarang sa kanya habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Tondo, Maynila.

Isinugod ng biktimang si Ria Rose Flores, garment worker, at taga-27 Guillermo St., San Rafael Village, Navotas City ang kanyang sarili sa Tondo Medical Center dahil sa tama ng saksak sa balikat.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Ronaldo Delos Arcos ng Manila Police District-Police Station 1 (MPD-PS1), naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi habang papauwi ang biktima sa kanyang bahay at napadaan sa madi­lim na bahagi ng Infanta corner Honorio Lopez, Balut, Tondo, Maynila ay bigla umanong sumulpot ang dalawang kabataan na kapwa lasing at hinarang at saka sinaksak ang biktima bago nagpulasan.

Nagsagawa ng follow-up operation ang Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP) pero bigong makita ang mga suspek.