Bagong halal na mga barangay official kakasuhan kung walang anti-drug action plan

Binalaan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, ang mga bagong halal na opisyal ng barangay na bumuo ng anti-drug action plan kung hindi ay mahaharap aniya ang mga ito sa kasong kriminal at administratibo.

Ayon kay Barbers, ang mga bagong barangay ­official na mabibigong maghain o bumuo ng three-year term-based Barangay Peace and Order and Public Safety (BPOPS) at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) action plan sa loob ng 60 araw pagkaupo sa puwesto ay puwedeng maparusahan sa ilalim ng batas.

“I enjoin all our newly-elected Barangay officials to immediately formulate their anti-drug abuse action plan in their respective localities within 60 days after assumption of office,” pahayag ni Barbers.

“Otherwise, our House Committee on Dangerous Drugs, would initiate moves to compel the Department of the Interior and Local Government and the Dangerous Drugs Board to file criminal and administrative actions on non-compliant barangay officials,” dagdag nito.

Nilinaw ni Barbers na ang pagbuo ng BPOPS at ­BADAC action plans ay alinsunod sa Section 3 ng Executive ­Order No. 366 (series of 1996); DILG memorandum circular No. 2015-130 (dated November 3, 2015); at Dangerous Drugs Board (DDB) Regulation No. 4 (dated September 19, 2016).