Mga laro ngayon (PhilSports Arena)
12:30 p.m. — Cignal vs. IEM (Spikers Turf)
4:00 p.m. — UST vs. Coast Guard (V-League)
6:00 p.m. — UP vs. Customs (V-League)

Matagal natengga si Alyssa Valdez, ngayon ay balik sa kumpetisyon para giyahan ang newcomer Bureau of Customs sa pakikisagupa sa UP sa Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference.

Sa isa pang laro sa PhilSports Arena, tatangkain ng UST na ambusin ang Coast Guard para ilista ang pangalawang sunod na panalo at kapit sa trangko.

Huling naglaro si Valdez sa BaliPure noong July nang kapusin ang Water Defenders sa Pocari Sweat sa semis ng Open Conference.

Tawid-bakod na si Valdez sa Customs, bago na rin ang mga kakampi.

“It’s a new challenge and I know it’s going to be exciting,” ani Valdez. “I’m looking forward to a healthy competition.”

Sa Oct. 12 haharapin ni Valdez ang mga dati niyang kakampi sa Ateneo Lady Eagles at sa BaliPure.

Sa opener ng season-ending conference na suportado ng Mikasa at Accel ay pinabagsak ng Tigresses ang Air Force 25-15, 20-25, 25-13, 25-21.