Bagong kasal nalunod sa maldives

Nauwi sa trahedya ang honey­moon ng mag-asawang Pinoy matapos umano silang malunod habang nagi-snorkel sa isang resort sa Maldives noong Linggo, Enero 13.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), noong Disyembre 18, 2018 lamang ikinasal ang mag-asawa mula sa Laguna at lumipad patungong Maldives nitong Enero 9 para sa kanilang honeymoon.

Ang dalawa ay kinilalang sina Leomer Lagradilla, 30 anyos at ang kabiyak na si Erika Joyce, 29 anyos at parehong nurse.

Nagtatrabaho ang isa sa Singapore at ang isa naman ay sa Riyadh, Saudi Arabia at sampung taon na silang magkasintahan hanggang sa magpakasal noong nakaraang buwan.

Isa sa pangarap umano ng mag-asawa ay makapag-honeymoon sa Maldives, isang maliit na bansa sa Indian Ocean na binubuo ng halos isang libong maliliit na coral island.

Nabatid na ang mag-asawa ay guest ng isang resort sa isla ng Dhiffushi.

Kamakalawa ay naisipan ng mag-asawa na mag-snorkel. Ayon sa news report, unang nalunod ang lalaki kaya’t humingi ng saklolo ang babae.

Nang dumating ang mga rescuer, pareho nang lumulutang ang dalawa sa dagat.

Isinugod pa sa Dhiffushi Health Centre ang dalawa subalit idineklara itong dead on arrival.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang DFA sa mga kaanak ng mag-asawang nasawi.

Inaasikaso na rin ng Embahada ng Pilipinas sa Dhaka na may hurisdiksyon sa Maldives, ang pagpapauwi sa labi ng mga biktima na isang 29-anyos na babae at 30-taong gulang na lalaki.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang DFA sa pamilya ng mag-asawang nasawi sa kanilang honeymoon.
Bumuhos din ang pakikiramay sa Facebook account ni Leomer.

Samantala, naglunsad naman ng fund raising ang pamilya at kaibigan ng mga biktima upang maiuwi ang bangkay ng mga ito mula sa Maldives, lalo pa’t nagkakahalaga ng P634,000 bawat isa. ()