Isiniwalat ng embahada ng Pilipinas sa Israel na may bagong modus operandi ang mga drug traffickers sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga ‘wooden desk name plate’ na naglalaman ng mga iligal na droga.
Ito’y matapos na limang Pilipino ang maaresto at nakakulong ngayon sa Israel habang iniimbestigahan sa kasong drug trafficking.
Ayon sa report, batay sa pahayag ng limang Pinoy nakatanggap lamang sila ng ilang mga padala na naglalaman ng mga iligal na droga.
Ipinahayag ng Philippine embassy na ayon sa isa nilang source, ang mga drug traffickers ay nagpapadala ng ‘wooden desk name plate’ sa Israel na may pangalan ng isa sa mga opisyal ng embahada.
“The item concealed what appear to be sachets of illegal substances that were confiscated by Israeli authorities,” ayon sa embahada.
Kaugnay nito, inabisuhan ng embahada ang mga Pinoy sa Israel na huwag basta ibibigay ang kanilang pangalan at tirahan sa kung sino man dahil maaari itong gamitin bilang receiving address ng mga ipinadadalang droga.