Maagang napariwara ang isang Pinay domestic helper na kaka­pasok pa lang sa kanyang trabaho matapos umano itong limang beses halayin ng isang Arabo na kinatawan ng isang recruitment agency na nag-deploy sa kanya sa Saudi Arabia.

Pansamantala munang hindi ­binanggit ang pangalan ng biktima na limang araw pa lang nagtatrabaho bilang kasambahay nang tumakas siya mula sa kanyang amo.

Nadakip naman ng mga awtoridad ang suspek na Arabo matapos itong bolahin ng biktima na sumaglit muna sila sa tanggapan ng Philippine Consulate.

Sa salaysay ng biktima, nakatakda sana siyang ihatid ng recruitment agency sa Riyadh para ilipat ng ibang employer subalit dinala ito sa isang hotel at doon siya pinagsamantalahan ng naturang Arabo.

Napag-alaman kay Labor Attache Nasser Munder, nagsumbong ang biktima sa isa nitong kasamahan na nasa Bahay Kalinga na siya aniya ay ginahasa.

Agad namang tinuruan ni OWWA Welfare Officers Marilyn Jamero at James Mendiola ang biktima sa ga­gawin para mapabalik sila ng konsulado kasama ang suspek.

Pagdating sa opisina ni Munder, nagwala ang biktima habang kinompronta naman ng attache ang naturang suspek.

Kaagad din silang nagpatawag ng security at diplomatic guard para hulihin ang nasabing suspek.

Sa ngayon ay humihingi ng tulong ang biktima sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at OWWA hinggil sa kanyang sinapit.