Nililito umano ng administrasyong Aquino ang publiko sa paggamit ng “Tuwid na Daan” sa ipinamamahagi nilang ID ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang akusasyon ni Senador Chiz Escudero sa bagong direktiba ng PhilHealth na dapat ay may nakalagay na “Tuwid na Daan” sa ipamamahagi nilang ID.

Nadismaya rin ang mambabatas dahil tumatagal ang pamamahagi ng health insurance coverage para sa mahihirap dahil ginagamit ito sa pulitika ng ilang pulitiko gayung maaari naman itong gawing simple at hindi kumplikado.
“Simple lang naman iyong PhilHealth. Point of Care (POC). Ang problema sa gobyernong ito, gusto nilang mag-distribute ng ID na may nakalagay na ‘Tuwid na Daan’ o mga mukha ng mga mayor, governor o congressman,” paliwanag ni Escudero.
Ayon sa PhilHealth, sa ilalim ng POC, awtomatikong malilibre sa gastusin sa isang accredited na ospital ang isang mahirap na kabilang sa socioeconomic class na C-3 at D.
Gayunman, iginiit ni Escudero na hindi ito natutupad dahil pinapakialaman ng mga pulitiko ang implementasyon ng POC.
“Sa pagnanais ng mga pulitiko na i-distribute ang mga ID, minsan, nadi-distribute ang ID, Hulyo na o Agosto na. Pero, ang coverage ng PhilHealth, January hanggang December dapat,” sabi ni Escudero.
“Mali naman yata iyon. Inuna pa ang pamumulitika,” dagdag nito.(DM)