Bagong RoS import Ross wawalisin ang 3 laban

Mga laro ngayon: (Cuneta Astrodome)
4:30 pm – Rain or Shine vs. NLEX
7:00 pm – Blackwater vs. Ginebra

‘Di makuha ng Rain or Shine ang tamang hagod sa unang tatlong imports, nagdesisyon ang Elasto Painters na magparada ng bagong reinforcement sa katauhan ni Richard Ross.

Sa likod nina Joel Wright, Kayel Locke at Kwame Alexander ay 2-6 lang ang E-Painters, nasa labas ng Magic 8 ng PBA Governors Cup kabuhol ang Alaska, Phoenix at Blackwater.

Nagka-injury si Alexander sa Ginebra game, ang 98-89 loss ng RoS, kaya tinapik ang produkto ng Old Dominion na si Ross na dumating na ng Manila nitong Linggo.

“We changed imports so we hope he will be able to adjust to the style of play here,” ani coach Caloy Garcia. “Hopefully, he’ll give us energy and rebounds.”

Undrafted noong 2015 sa NBA, naglaro ang 27-anyos na si Ross sa Norway, Bolivia, Australia, Luxembourg at China.

Mabigat ang pasanin ni Ross, kailangan ng Painters na maipanalo ang huling tatlong laro para umasa na makahirit ng kahit playoff sa last slot sa quarterfinals.

Puro heavyweights pa ang natitirang asignatura ng Rain or Shine, bibinyagan si Ross ng second-running NLEX (6-1) sa first game mamaya sa Cuneta Astrodome.

“We have to compete for us to give ourselves a chance,” dagdag ni Garcia.

Susunod sa Elite ang San Miguel Beer (Nov. 9) bago tatapusin ang eliminations kontra Meralco (Nov. 17).

Mapapalaban si Ross kay scorer Manny Harris na suwabe ang pakikipagtambalan sa locals ng Road Warriors sa pangunguna nina Kiefer Ravena, Jericho Cruz at Poy Erram. (VE)