Ito ang kauna-unahang artikulong isinulat ko sa pagpasok ng taong 2020, ito ay matapos na ako manggaling sa napakalaking pagbabago sa buhay ko dahil sa pagpasok ko sa buhay may-asawa.

Napakarami nating kakaharaping suliranin sa pagpasok ng taong ito tulad ng masikip na daloy ng trapiko na hanggang ngayon ay patuloy ang paglala na nasundan pa ng sunud-sunod na aksidente.

Hindi pa nga naka­kabangon ang Minda­nao sa nagdaang lindol ay heto at kabi-kabila na naman ang isinasagawang earthquake drill na alam ko namang dapat gawin pero nakakaalarma ito sa ating mga kababayan.

Hindi pa rin tapos ang usapin hinggil sa kakulangan ng tubig na inabot na ng panibagong taon pero nananatiling may mga water interruption pa rin sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.

At hindi pa rin natin alam kung ano talaga ang kahahantungan ng Manila Water at Maynilad matapos nilang painitin ang ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang nakakatakot kasi, natapos ang taon na hindi naabot ng Angat Dam ang normal high level nito na 212 meters lalo na at papalapit na ang dry season at wala namang naiisip ang mga ito kung hindi ang tipirin tayo sa tubig.

Itong Grab Philippines ay pinagmulta naman ng Philippine Competition Commission (PCC) bago natapos ang taon ng 16.5 milyong piso ­dahil sa paglabag nito sa price at service equality ­commitments.

Pero balewala ito sa Grab, baryang-barya ito para sa kanila kaya nga patuloy na ­naubuso ang mga kliyente ng Grab dahil monopol­yado nila ang industriya at hanggang walang malaking kakumpitensiya na tumatapat dito ay tuloy lang ang ating pagdurusa.

Maging ang pamu­nuan ng LRT1, LRT2 at MRT ay ­nahaharap sa magkakahawig na suliranin dahil sa walang humpay din ang serbisyong ibinibigay nila sa publiko at hindi gano’on kabago ang ating mga train.

Patuloy pa rin ang pagkalat sa bansa ng African Swine Fever (ASF) at kung anu-anong paraan na ang ginawa ng pamahalaan para ito ay masugpo ngunit patuloy pa rin ang pagkalat ng virus.

Pero ang totoong dahilan, dapat ay bantayan lang ng mabuti ang Bureau of Customs (BOC) dahil sila talaga ang tunay na salarin kung bakit nagkalat ang mga hot meat sa bansa.

Kung napapansin ninyo ay ­nagsulputan ang mga bagong restaurant noong nakaraang taon at ang lahat ng ito puro baboy ang menu dahil nga sa napakamurang impor­ted na frozen meat na sa BOC mismo nanggagaling.

At ang mga opisyal ng pamahalaan na animo’y nagkukumahog para masugpo ang ASF sa bansa ay isang malaking kalokohan dahil sa alam naman nila kung saan ito nanggagaling.

Hindi na lamang natin babanggitin ang mga pangalan ng mga bagong restaurant na makikita ­kabi-kabila na baboy talaga ang bida sa kanilang kainan dahil nga sa mga ­tiwaling opisyal ­opisyal ng BOC.

Ngayon, heto na ang bagong taon at nahaharap tayo sa panibagong pakikibaka ngunit nananatiling luma ang ating mga problema kaya dapat kahit tayo bilang mga Pilipino ay magpakita ng pagbabago.

Malaking tulong na sa pamahalaan ang maging disiplinado tayo para sa ikauunlad ng ating bansa.