Albee B. Benitez
New Year na naman. Tapos na ang mga putukan. Maiingay na mga tunog. Magsasabit na naman tayo ng mga bagay na mga simbolo ng pangpasuwerte.
Paano man tayo mag-celebrate, walang nang mas mahalaga kungdi ang manalangin tayo sandali at magpasasalamat sa lahat ng biyayang ibinigay sa atin ng Diyos.
Nawa’y maging makahulugan, masaya at maunlad ang susuungin nating 2019 at sa mga susunod pang mga taon.
Bagong Taon na nga, ano po ba ang mga bagong sumalubong sa atin? Ano ang mga inaasahan nating mangyayaring maganda sa ating buhay ngayong 2019?
Bukod sa umaangat na kabuhayan, masaya at malusog na pamilya, ang magkaroon siyempre ng sariling bahay ang pinakamalaking pangarap ng bawat Pinoy.
Tumiklop ang mga pahina ng 2018 na may iniwan naman pong mga positibong bagay.
Sa kabila ng mga unos sa buhay na hatid ng mga kalamidad at nag-iwan ng trahedya sa marami nating kababayan, may mga bagay na dapat pa rin nating ipagpasalamat sa ating Panginoong Diyos.
Noong Disyembre, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang namahagi ng 500 housing unit sa Bohol para sa mga kapatid nating sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Napakaliit na bagay po ito sa napakalaking sakripisyo ng mga kapatid nating sundalo para sa ating bayan.
Sariling bahay sa isinasakripisyo nilang buhay. Kaya salamat sa ating Pangulo dahil ramdam niya ang pangangailangan ng mga sundalo pati na rin ng ating mga pulis.
Noong Mayo, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang isang joint resolution ng Kongreso na humihiling na ipagkaloob ng gobyerno sa mga kuwalipikadong benepisyaryo ang mga hindi pa naookupahang housing unit na naunang inilaan para sa mga pulis, sundalo at iba pang uniformed personnel ng pamahalaan.
Kasama rito ang mga hindi pa naookupahang housing unit na sinurender ng mga awardee dahil may nakuha na silang ibang pabahay, at ‘yung mga unit na nakansela dahil hindi na binayaran ng mga naunang benepisyaryo ang kanilang buwanang amortisasyon.
Magiging prayoridad naman dito ang mga kawani ng gobyerno na tumatanggap ng mababang suweldo tulad ng mga empleyado ng gobyerno, mga public school teacher,mga kawani ng city o municipal hall kung saan nakatayo ang mga housing unit, mga informal settler sa lugar at ‘yung mga mahihirap talaga na walang bahay o nawalan ng tirahan dahil naapektuhan ng government infrastructure projects.
Inatasan na rin ng ating Pangulo ang National Housing Authority (NHA) para maglatag ng mga alituntunin sa pag-award ng mga housing unit.
Magandang simula na po ito para matuldukan ang problema ng gobyerno sa kakapusan ng pabahay sa bansa. Totoong gabundok na problema pa ang haharapin ng gobyerno para malutas ito pero napakarami at mayaman sa lupa ang Pilipinas para pagtayuan ng bahay para sa ating mga kababayan.
Tiwala lang po mga kababayan. At sabayan natin ng dalangin na maisakatuparan sana ito sa pagtutulungan ng mga lider ng ating pamahalaan.