Ngayong Hunyo 1, matatapos na ang first regular session ng 17th Congress kung kaya’t asahan na ang pagbubuhat ng bangko ng mga lider ng Kamara at Senado. Tiyak na ipagmamalaki nila ang mga naipasang panukalang batas.

Sa Senado, maraming maipagmamalaki ang liderato ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III dahil naging masipag ang mga kaalyado niya sa kapulungan pati na ang mga miyembro ng minority bloc sa pamumuno ni Minority Leader Franklin Drilon.

Ano naman kaya ang ipagmamalaki ng tambalan nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Leader Rodolfo Fariñas? ‘Yun bang pinatay na impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte? ‘Yung imbestigasyon ng house committee on justice sa pagkakasangkot ni Sen. Leila de Lima sa drug trade sa New Bilibid Prison?

O baka naman isama rin sa accomplishment ang isinagawang imbestigasyon sa joint venture agreement ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Tagum Agricultural Development Co., Inc. (Tadeco), ang kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr.

Ang isinagawang imbestigasyon ng committee on good government and public accountability at committee on justice sa nasabing deal ng BuCor sa Tadeco ay resulta ng away nina Speaker Alvarez at Floirendo, na nag-ugat sa away ng kani-kanilang girlfriend.

Kahit na ang personal na away ni Alvarez sa dati niyang BFF, isinahog sa trabaho ng mga kongresista. Ang resulta tuloy nito, nasagasaan ang iba pang priority bills. Wala na tayong naririnig tungkol sa Freedom of Information (FOI) bills, federalism at maging ang emergency power sa pagresolba ng trapik sa Metro Manila.

Nagsesenti na nga si Sen. Grace Poe, chair ng Senate committee on public services, dahil kahit na aprobahan ng Senado ang emergency power bill, nasa kangkungan naman ang counterpart bill nito sa Kamara. Kahit na nga ang comprehensive tax reform package, hindi pa matapus-tapos ng Kamara gayung ang original target date ng implementasyon nito ay Hunyo 2017.

Nakakainggit tuloy ‘yung mga panahon nina Speaker Jose de Venecia Jr., Prospero Nograles, Manny Villar at Feliciano Belmonte dahil sa produktibo ang kanilang panunungkulan noon kumpara ngayon na usad pagong dahil sa bakbakan ng mga dating magkaibigan at kaalyado sa pulitika. Tsk…tsk…tsk

***

Pinaaapura ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero ang pagpapatibay ng Senate Bill No. 1468 o ang amendments sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) upang maisahog sa coverage ng batas ang mga casino sa bansa. Kailangan kasing maaprobahan ito para makahabol sa June 2017 deadline na itinakda ng Asia/Pacific Group on Money Laundering (APG).

Utos kasi ng Financial Action Task Force (FATF), isang global anti-money laundering and anti-terrorism watchdog, na ipasok ang casino sa coverage ng AMLA upang hindi ma-blacklist ang Pilipinas.

Ipinaalala ni Escudero na muntik nang ma-blacklist ng FATF ang Pilipinas matapos na makapasok sa bansa ang $81 milyon na ninakaw ng hackers sa Bangladesh Bank sa Federal Reserve Bank of New York. Malaking halaga nito ay pumasok sa mga casino bago inilabas din ng bansa. Good job, Senator Chiz!