Magsasagawa ng imbestigasyon ang isang komite ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kung bakit patuloy ang pagbaba ng presyo ng asukal sa merkado dahilan para umangal ang mga stakeholder sa pangambang malalagay sa malaking problema ang industriya.

Kasabay ng gagawing imbestigasyon, ipinag-utos din ni SRA Admi­nistrator Hermenegildo Serafica na i-hold ang lahat ng request ng mga food processor na mag-import ng asukal hangga’t hindi natatapos ang pagsisiyasat.

“The SRA board directed the committee to look into the importation and consumption of all forms of sugars.

They will also run a check on custom bonded warehouses and food processors’ utilization of sugar,” pahayag ni Serafica.

Ginawa ni Serafica ang nasabing hakbang kasunod ng apela ng Sugar Alliance of the Philippines (SAP) na umaaray na sa patuloy na pagbaba ng presyo ng asukal.

Kung ikukumpara ang presyo ng 50 kilo ng asukal noong Nobyembre 20, 2016, bumaba ng P400 ang presyo ng raw sugar at P350 sa refined. Sa bawat kilo, P3 ang binaba ng raw at refined.

Sa isang liham kay Serafica, sinabi ng SAP na may kaugnayan sa patuloy na pag-angkat ng high-fructose corn syrup (HFCS) ang dahilan ng umiiral na mababang presyo ng asukal.

Hiniling din ng SAP na ipitin ang pag-apruba ng pag-aangkat ng HFCS habang iniimbestigahan ang patuloy na pagbaba ng presyo ng asukal.

Inaangal ng SAP ang pag-i-import ng HFCS ng mga beverage maker at food processors. Sa katunayan umano, ang beverage giant na Coca-Cola ay mayroon pang ilang metriko toneladang HFCS na binili sa China noong nakaraang taon na ginagamit pa rin hanggang ngayon kaysa kumuha sa locally-produced sugar.