Balisang-balisa ngayon ang isang talent manager dahil hindi pa bumabalik hanggang ngayon ang kanyang alagang male singer.

Noong April 27 ay lumipad ito papuntang Visayas para sa isang show. Bale 2 shows ang ginawa niya roon kasama ang isang kontrobersiyal na female singer.

Sabay na bumalik ng Manila si baguhang male singer at controversial female singer.

May mga post pa ang kontrobersyal na mang-aawit na nakahanap na raw siya ng bagong “baby” since kahihiwalay lang nito sa dati nitong asawa. Suspetsa nila ay tinangay ng controversial singer ang boylet.

Hanggang ngayon ,hindi pa rin bumabalik sa tinitirhan niya ang baguhang singer. Halos mabaliw-baliw na ang kanyang manager sa kahahanap.
Hindi naman sila nag-away bago umalis, kaya malaking palaisipan talaga sa manager kung nasaan na ito ngayon.

Ilang private messages na ang pinakawalan ng manager sa FB ni bagong male singer pero ang ikinainis nito, “seen” lang siya at hindi ito sumasagot.
“Siyempre mag-aalala ako dahil ‘di ba aso nga kapag nawala hinahanap natin, tao pa kaya, pero ang sa akin lang, respeto, kung makikitulog siya sa ibang bahay dapat magsabi man lang,” sabi ng manager.

Sino ang bagong singer na hindi na umuuwi pagkatapos ng show sa probinsya? Hmmm, maputi at guwapo siya. Madalas din siyang gumaganap sa mga reenactment sa telebisyon, may mga endorsement na rin ito at guwapo talaga. (Timmy Basil)