Hindi makakaila na marami ang ‘di umano’y small-time drug pusher at users ang napatay sa ilalim ng Oplan Tokhang.

Sa katuna­yan, isang ulat mula sa Armed Conflict Location and Event Data ang nagsasabing mas marami pang napatay na sibil­yan sa ating bansa noong nakaraang taon kumpara sa iba pang conflicted countries gaya ng Iraq, Somalia, at Democratic Republic of Congo. Nakalulungkot at nakahihiya ito para sa atin dahil habang marami ang sibilyang napatay sa ilalim ng programang ito, hindi pa rin nauubos ang iligal na droga sa ating bansa.

Sa simula pa lamang ay pabor naman tayong sugpuin ang iligal na droga sa bansa. Sino ba ang ayaw ng isang drug-free na bansa ngayong alam natin kung paano sinisira ng iligal na droga ang ating bayan? Ngunit ang stratehiya ng gobyerno na giyerahin ang iligal na droga ay hindi makatotohanan dahil inaasinta lamang nito ang mga ‘di umano’y small-time pusher at user habang ang mga drug lord ay malaya at hindi nakukulong.

Ngayon, ang panga­ko ng Pangulo na masolusyonan ang isyung ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay hindi nangyari. Gayunpaman, ang unang 6 na buwan ng implementasyon ng Oplan Tokhang ay maaari sanang maging panahon kung saan nakikita ng gobyerno ang mga kahinaan at kakulangan ng programang ito. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang paghabol ng gobyerno sa mga maliliit na biktima rin ng mga sindikato ng droga at bumabaha pa rin ng droga sa bansa.

Sa katunayan, duma­ting ang bilyong-bilyong halaga ng shabu sa bansa noong 2017 at 2018 na nakalusot sa Bureau of Custom (BOC). Mismong ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagsasabi ng P11 bil­yong halaga ng droga ang nawawala noong nakaraang taon. Ang mga Chinese national na sangkot sa magnetic lifter sa isang warehouse sa Cavite ay hindi rin hinabol ng gobyerno.

Naninindigan ako na kailangang baguhin ng gobyerno ang kaniyang istratehiya sa pagsugpo ng iligal na droga. Dapat ay ituon ng gobyerno ang kanyang atensyon sa mga drug lord, supplier, at importer ng droga sa ­bansa. Sa ganitong paraan, magiging matagumpay ang ating kampanya laban sa droga.