Bagama’t lamang ng isang boto, may tulog pa rin si Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat kay Quezon Rep. Danilo Suarez sa labanan sa liderato ng minorya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito ang isiniwalat ni Navotas Rep. Toby Tiangco sa ambush interview kagabi kaya hindi idineklara ng lide­rato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na si Baguilat ang nanalong minority leader.

Sa botohan sa speakership sa Kamara kahapon, nakakuha si House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez ng 251 boto, 8 kay Baguilat habang 7 lamang ang bumoto kay Suarez.

“Kung ‘yung rules na ginawa last 16th Congress, dapat dineclare na nila right then and then na si Congressman Baguilat ang minority leader,” ani Tiangco subalit hindi ito ginawa ng liderato ng Kamara.

Sa naturan ding botohan, umaabot sa 21 congressman ang hindi bumoto o nag-abstain kaya posibleng pairalin umano ang section 8 ng House Rules na payagan ang mga ito na pumili kung sino kina Alvarez, Baguilat at Suarez ang kanilang susuportahan.