CITY OF ILAGAN, Isabela — Inaasahang matinding hamon ang haharapin ng kasalukuyang national titlist at defending leg champion na Baguio mula sa karibal na local government units sa pagsasagawa ng Luzon Leg ng 2019 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy na magbubukas ngayong hapon sa City of Ilagan Sports Complex.
Huling tinala ng madalas magkampeon na Baguio City ang pagsungkit ng korona noong 2017 Luzon Leg na ginanap sa Vigan City, Ilocos Sur matapos nitong talunin ang pumangalawa na Laguna Province, ikatlo ang Pangasinan, ikaapat na San Jose City at ang pumanglima na Dasmariñas City.
Umaabot sa 500 atleta ang ipinadala ng tinaguriang Summer Capital of the Philippines sa pagnanais na masungkit ang titulo sa ikatlo at huling qualifying leg ng isa sa pangunahing grassroots sports development program ng bansa matapos ang unang ginanap na Mindanao at Visayas leg.
Ang magwawagi sa torneo na inoorganisa ng Philippine Sports Commission na patuloy ang paghahanap sa susunod na henerasyon ng mga bagong talento sa Norte ay magkukuwalipika sa National Championships.