Nagkaisa ang Department of Tourism (DOT), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa isang programa na tutulong na isalba ang kasalukuyang lagay ng Baguio.
Sa presscon sa The Mansion, Baguio na dinayo ng mga sektor ng iba’t ibang organisasyon kasama si Tourism Secretary Bernadette Puyat ay nagsabing may pag-asa pa ang Baguio.
Dahil rito nagkaisa ang DOT at TIEZA para maglaan ng P480 million para ma-rehabilitate ang summer capital of the Philippines.
Pumunta rin si DILG Secretary Eduardo Año at nagbigay ng mensahe para sa mga opisyal ng Baguio.
Ayon kay Año, katuwang ng Baguio ang DILG at asahan nilang tutulong ang tanggapan para ma-rehabilitate ang lungsod ng Baguio.
Dumalo rin si DENR Assistant Sec. Enrico Salazar para ibahagi ang iniwang mensahe ni Sec. Roy Cimatu.
Ayon kay Cimatu, mahal na mahal umano nito ang Baguio kaya naman committed ang DENR para tumulong sa lungsod.
Dagdag pa nito, isinara noon ang Boracay pero hindi nila isasara ang Baguio.
Nananawagan si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga turistang gustong dumayo sa Baguio na makipagtulungan para masalba at bumalik sa dati ang lungsod.
Nagpasalamat pa ito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbigay ng P200 million para sa pag-aayos ng Baguio. (Isah Divina)