BAGUIO CITY — Maiuuwi na sa lungsod na ito ang labi ng doktor na nasawi sa vehicular accident sa Tagum City, Davao del Norte kung saan inihayag ni Mayor Mauricio Domogan na pumayag ang militar na gamitin ang C-130 heavy-lift transport aircraft.

Nasawi si Dr. Brigida Amistad Claro na siyang pinuno ng Department of Internal Medicine ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) habang sugatan naman sina Dr. Virginia Mangati, 49; Dr. Eulina Lagdao, 50; Marilyn Lapaz, 45; Michelle Suyat, 42; Candida Donggayao, 53; Carmen Bumatnong, 49; Teresa Abrenica, 44; Valorie Presco, 40; Allan Factora, 42; Jade Malicdan, 30; Lorraine Ramos, 31; Leah Serna, 31; Clarence Clemente, 52 at Marites Baloran, 49-anyos.

Tumanggi namang magbigay ng komento ang pamunuan ng BGHMC ukol sa naturang aksidente.

Gayunpaman, kinumpirma ng pagamutan na may 15 itong empleyadong nagtungo sa Davao para pag-aralan ang sistema ng Southern Philippines Medical Center at Davao Medical Center.

Una nang lumabas sa resulta ng imbestigasyon na mabilis ang pagpapatakbo ng driver na si Jolan Balduwe sa van na sinakyan ng mga biktima at nang sinubukan nitong mag-overtake ay hindi kinaya kaya naibangga ang sasakyan sa poste sa gilid ng daan.