Baguio jail officer timbog sa buy-bust

BAGUIO CITY — Naghihimas ngayon ng malamig na rehas ang isang jail officer matapos madakip sa anti-drug operations na inilunsad ng pinagsamang pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Cordillera, City Intelligence Unit at Baguio City Police Office Station 7 sa Father Carlo Loop, Session Road ng lungsod na ito.

Kinilala ang suspek na si Senior Jail Officer 2 Donald Tauli Kelly Jr., 49, nakadestino sa Itogon Municipal Jail at residente ng Antamok Tram sa Itogon, Benguet.

Nakumpiska naman mula sa suspek ang dalawang brittle object na nakabalot sa cellophane na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang caliber 9mm, dalawang magazine, sling bag at cellphone.

Matagal na umanong minamanmanan si Tauli­ hanggang sa masakote sa isinagawang buy-bust ­operation.