Baguio judge haharap sa SC probe

Nagpahayag ng kahandaan ang isang hukom sa Baguio City na harapin ang imbestigasyon ng Supreme Court at ang pagsasampa ng kaso ng pulisya laban sa kanya.

Ayon sa report ng Baguio City Police Station, inakusahan si Judge Roberto Mabalot na nakialam sa kaso ng isang taxi driver na kumaladkad sa isang pulis na traffic enforcer sa naturang lungsod.

Ipinahayag ni Mabalot na makabubuti ang imbestigasyon para malaman ang katotohanan.

Inamin ni Mabalot na nakatanggap siya ng tawag mula kay SC Deputy Court Administrator Raul Villanueva hinggil sa nasabing isyu.

Iginiit pa ni Mabalot na hindi totoo ang alegasyon na nagmistula siyang abogado ng naarestong taxi driver.

Una rito ay inutos ng SC ang pag-iimbestiga kay Mabalot dahil sa nasabing isyu.

Matatandaang lumabag sa batas trapiko ang taxi driver na si Jone Buclay kaya sinita ito ni Patrolman Julius Walang. Pero nagmura umano ang driver at iiwanan na sana nito ang pulis kaya sumampa si Walang sa harapan ng taxi.

Kahit nasa hood pa ng kanyang taxi ang pulis ay ipinagpatuloy ni Buclay ang pagmamaneho.

Nasakote rin si Buclay pero habang nasa himpilan ito ng pulisya ay dumating umano si Mabalot at sinabihan ang mga naroong pulis na multa lang dapat ang ipataw sa driver. Makalipas ang ilang minuto ay umalis umano ang hukom kasama na ang taxi driver. (Allan Bergonia)