Mas malaki ang tiyansang hindi na pumasok ng Philippine Area of Responsibility­ (PAR) ang bagyo na may international name na Wutip na nasa Pacific Ocean dahil palihis na ang direksyong tinatahak nito.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysi­cal Astronomical Services Administration (Pagasa), sa huling monitoring ay nag-recurve ang bagyo at kumikilos pa-northeast o palayo ng bansa.

Sa ngayon ay nanatiling malayo ang bagyo na 2,000 km ang layo sa Mindanao.

Sinabi ng Pagasa na sakali mang magbago ang direksyon ng bagyo sa mga susunod na araw at lumapit ng PAR ay hihina naman ito at hindi magla-landfall.

Sa historical data ng Pagasa, bihira na may pumasok na bagyo sa PAR tuwing buwan ng Pebrero subalit kung may pumasok man ay hindi nagla-landfall.

Samantala, umiiral pa rin umano ang hanging amihan­ bagama’t malapit na ang transition mula sa panahon ng taglamig sa panahon ng tag-init.