Bagyong Ambo lalakas, magpaparamdam sa Metro Manila

Nagbabantang lumakas pa ang bagyong Ambo at inaasahang maaabot nito ang severe tropical storm category kung saan sa Biyernes ng umaga inaasahang lalapit ito sa Metro Manila palabas ng West Philippine Sea.

Base sa 5AM weather bulletin ng PAGASA, sa susunod na 24 na oras ay magiging tropical storm ang bagyo.

Huli itong namataan sa layong 285 kilometers east northeast ng Hinatuan, Surigao del Sur o sa layong 340 kilometers east ng Surigao City.

Taglay pa rin nito ang hanging aabot sa 55 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong 70 kilometers bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers bawat oras sa direksyong North Northwest.

Nananalasa ngayon ang pag-uuulan sa Mindanao dulot ng trough o buntot ng bagyo.

Ngayong Martes ay maaring magtaas na ng tropical cyclone wind signal number 1 sa ilang bahagi ng Eastern Visayas.

Sa Huwebes ng umaga ay mas lalakas pa ito at magiging isang severe tropical storm bago tumama sa kalupaan sa boundary ng Sorsogon at Albay.

Posibleng sa Linggo pa ng umaga inaasahang lalabas ng bansa ang bagyo.