Bagyong Ambo, nagbabanta sa Mindanao

Pinangangambahang tuluyang mauwi sa bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa Mindanao, ayon na rin sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon kay PAGASA weather specialist Sheila Reyes, sa loob ng 24-oras ay may maliit na tiyansang maging bagyo ang LPA.

Namataan ang LPA 750km Kanluran ng Davao City at maaaring kumuha ito ng lakas sa dagat.

Oras na maging ganap na bagyo ay ito ang kauna unahang bagyo na papasok na bansa at papangalanang bagyong Ambo.

Sa ngayon ay wala pang direktang epekto ang LPA sa bansa subalit pagdating ng Lunes at Martes ay maaari itong magdulot ng pag-uulan sa malaking bahagi ng Mindanao at Visayas.

Sinabi ni Reyes na patuloy na makakaranas ng maalinsangan na panahon sa Luzon na may localized thunderstorms pagdating ng hapon at gabi.

Nagbabala ang PAGASA sa biglaang malalakas na ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide.

“Sudden but short-lived rains or thunderstorms, especially in the late afternoon or early evening, is becoming more prevalent as the country transitions from the warm and dry episode to the wet season” paliwanag ng PAGASA. (Tina Mendoza)