Makakaranas ng pag-uulan ang buong bansa hanggang sa Sabado hatid ng bagyong Paolo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa pinakahuling weather bulletin na ipinalabas ng ahensya, lumakas umano ang tropical storm Paolo na namataan 735 km east ng Guiuan, Eastern Samar. May hatid itong hangin na 120 kilometers per hour at bugso na 145 kph.

“Lumakas ito at patuloy itong lumalakas,” pahayag ni PAGASA meteorologist Gener Quitlong.

Inaasahang makakaranas ng pag-uulan ang Bicol Region, Eastern Visayas at Caraga gayundin sa Southern Luzon at Mindanao.

Sa ngayon ay wala pang ibinababang storm signal ang PAGASA dahil inaasahang hindi ito magla-landfall.

Sa darating na Linggo ay lalabas na ito ng Phi­lippine Area of Responsibility at maaasahan na ang maaraw na panahon.