Nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Quiel at magiging severe tropical storm sa loob ng 24-oras subalit hindi ito direktang makakaapekto sa bansa dahil sa hindi tatama sa lupa.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astrononomical Services Administration (Pagasa), maghahatid ng pag-uulan sa Northern Luzon, Zambales at Bataan ang bagyo at pinapayuhan ang mga residente sa posibilidad ng mga pagbaha at landslide.

Ibinabala rin ng Pagasa ang gale warning kung saan ipinagbabawal na maglayag ang mga maliliit na sasak­yang pandagat.

Sa monitoring ng Pagasa ay nasa 540km ng Iba, Zambales ang bagyo taglay ang lakas ng hangin na 45kph at bugso na 55kph, kumikilos ito sa bilis na 10kph.

Hindi inaasahan na magla-landfall ang bagyo at sa Sabado nang umaga ay lalabas ng PAR. (Tina Mendoza)