Kumikilos muli papalapit ng bansa ang bagyong Ramon matapos ang isang araw na halos hindi nito paggalaw sa East Philippine Sea habang nanatiling nakataas ang Storm Signal No. 1 sa Cagayan, Aurora, at Isabela.
Sa 5:00 pm weather advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Lunes ng hapon tatama sa Cagayan ang Bagyong ‘Ramon’. Tatawirin nito ang Apayao at Ilocos Norte bago ito makarating sa West Philippine Sea sa hapon nang Martes, Nobyembre 19.
Bukod sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 ay ipinagbabawal rin ng PAGASA ang pagpalaot ng mga sasakyang pandagat sa northern at western seaboard ng Central at Southern Luzon dahil sa inaasahang 5 metro ang taas ng alon dulot ng hanging amihan na dala ng bagyo.
Samantala isa pang malakas na bagyo ang binabantayan ng PAGASA, na may international name na Fengshen at nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility, kung hindi magbabago ang direksyon nito ay malaki ang tiyansang hindi ito papasok ng bansa.
Huling namataan ang bagyo sa layong 435 kilometers Silangang bahagi ng Casiguran, Aurora taglay ang lakas ng hangin na 65kph at bugso na 80 kph at kumikilos sa bilis na 15kph.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Silangang bahagi ng Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-lo, Gattaran, Baggao, at Peñablanca); Silangang bahagi ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, at Dinapigue) at Northern Aurora (Dilasag, Casiguran, at Dinalungan). (Tina Mendoza)