Nakapasok na kahapon sa Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayang topical depression ‘Samuel’, ayon sa pinakahuling forecast ng Philippine Atmos­pheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Sa ipinalabas na weather bulletin, bandang alas-11:00 nang umaga kahapon nang pumasok sa PAR ang bagyo na direktang tatama ngayong araw sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao, at lalabas sa Biyernes.

Namataan ang sentro ng bagyong Samuel sa layong 980 kilometro sa silangan timogsilangan ng Hinatuan, Surigao del Sur. Kumikilos bilis na 15kph, at taglay ang hangin sa lakas na 55kph, at bugsong 65kph.

Inaasahang magdadala ang bagyong ‘Sa­muel’ ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan na posibleng magdudulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa bahagi ng Caraga, Davao Oriental at Compostella Valley.

Pinayuhan ang mga residente sa mababang lugar, sa mga bundok, at malapit sa mga ilog na maging alerto at makipagkoordinasyon sa kanilang local disaster risk reduction and management offices.

Binalaan din ang mga mangingisda na huwag munang magtungo sa eastern seaboards ng Visayas at Mindanao dahil sa papalapit na tropical cyclone.