Inaasahang sa Huwebes papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong may international name na Wutip.
Tatawagin itong bagyong Betty kapag nasa loob na ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), nasa labas pa ng PAR ang bagyo na huling namataan sa layong 1,970 kilometro silangan ng Central Luzon.
Sa ngayon ay wala pa umano itong epekto sa bansa.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 185 kilometer per hour at bugso na 224kph.
Sa ngayon umano ay mabagal ang galaw ng bagyo habang tinatahak ang direksiyon pa-norte.