Inaasahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na luluwag ang daloy ng trapiko sa pagsasara ng bahagi ng Magallanes interchange simula ngayong Lunes, Abril 1.
Sa abiso ng MMDA, simula alas-sais nang umaga hindi na madadaanan ang pakaliwang ramp ng Magallanes interchange mula Maynila patungong EDSA northbound.
Ayon sa ahensya, bahagi ito ng traffic management plan para maibsan ang problema sa trapiko at mga aksidente sa nasabing lugar.
Batay umano sa vehicular volume count ng MMDA Traffic Engineering Center, higit 7,000 sasakyan ang dumadaan sa Magallanes interchange mula Maynila patungong EDSA northbound habang nasa 19,304 sasakyan naman ang dumadaan mula EDSA patungong Nichols (South Superhighway) na nagdudulot ng matinding trapik at mga aksidente sa lugar.
Inabisuhan naman ang mga motorista na manggagaling sa Maynila at papunta sa EDSA northbound at Cubao na dumaan sa Magallanes Loop/Magallanes Village o sa Nichols Interchange.