Sa simula pa lamang ng paglaganap ng bagong coronavirus sa loob ng bansa, naging malaganap na panawagan ng publiko ang “Mass testing now!” batay sa wastong siyentipikong pag-unawa na ang testing para sa COVID-19 ang una at pinakamahalagang hakbang upang mapigilan ang paglaganap nito sa populasyon.
Matapos ang dalawang buwang lockdown sa buong bansa, hindi matatakasan ng
administrasyon Duterte ang paniningil ng publiko sa usapin ng mass testing. Nauunawaan ng publiko na pinagdaanan natin ang sakripisyo ng kwarentina upang mabigyan ang gobyerno ng panahon para mapalakas ang sistemang pangkalusugan sa bansa nang makatugon ito sa pagkalat ng COVID-19 sa panunumbalik ng mga gawaing pang-ekonomiya at panlipunan.
Ano ang aktwal na nagawa ng administrasyon kaugnay sa mass testing? Mula sa isang laboratoryo (RITM) na may kakayahan sa `di lalagpas sa 1,000 test kada araw noong Marso, mayroon nang 34 laboratoryo at ospital sa buong bansa na nakagagawa ng mahigit kumulang sa 7,800 test kada araw. May pag-unlad, ngunit malayo pa sa sariling target ng administrasyon na 30,000 kada araw sa katapusan ng Mayo.
Muling tumatampok ang usapin ng mass testing ngayong minamandato ng gobyerno ang pagluluwag ng lockdown, mula enhanced community quarantine tungong modified ECQ at general community quarantine. Pinahihintulutan ang pagbalik sa trabaho ng ilang mga industriya at sektor at maging ang pagbubukas muli ng mga mall at paaralan. Hindi masisisi ang publiko na umaasa na magpapatupad ng mass testing para sa mga manggagawang babalik sa trabaho.
Nanggaling mismo sa bibig ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sa kanyang regular na press conference nitong Lunes, na walang programa para sa mass testing para sa COVID-19 ang administrasyong Duterte. Ipauubaya raw nila sa pribadong sektor ang pagpapatupad nito.
“Well, as much as possible po ano, mayroon tayong — ini-increase natin iyong capacity natin ng testing kaya nga we’re aiming na aabot tayo sa 30,000. Pero in terms of mass testing na ginagawa ng Wuhan na all 11 million, wala pa pong ganiyang programa at iniiwan natin sa pribadong sektor,” ang wika ni Roque.
Katono nito ang advisory na inilabas ng Department of Labor and Employment na nagtatakda na dapat sagutin ng mga employer, contractor, at subcontractor ang anumang gastusin sa COVID-19 “prevention and control measures” na kailangan nilang ipatupad upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga empleyado at ng publiko. Kabilang dito ang testing at pati na rin ang disinfection ng mga lugar ng trabaho, pagbigay ng personal protective equipment, at iba pa.
Hinimok pa ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang mga may-ari ng negosyo na “dumukot nang mas malalim sa kanilang malawak na reserba ng kawanggawa at kagandahang-loob” upang matulungan ang kanilang mga manggagawa at komunidad sa gitna ng krisis.
“Mass testing now” ang panawagan ng mamamayan. Sagot ng Malacañang:
“Bahala kayo d’yan.” Kailangang ipagpatuloy natin ang laban para sa malaganap at libreng testing para sa COVID-19.