Bangkay na bumu­lagta ang isang miyembro umano ng notoryus na Bahala na Gang nang pagbabarilin ito ng hindi nakilalang mga armadong suspek, kung saan maging ang 46-anyos na barker ay nasugatan din sa ligaw na bala sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay SPO1 Ronnie Ereño, dead on-the-spot sanhi  ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima na nakilala sa alyas na ‘Oklang,’ nasa 20-25-anyos, taas na 5’4”, slim built at may tattoo sa kanyang likod na Bahala na Gang.

Nasugatan naman sa ligaw na bala si Bong Diestro y Oropio, 46, may asawa.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO1 Ereño na nangyari ang pamamaril dakong alas-tres ng mada­ling-araw sa kahabaan ng Congressional Avenue corner Abra St., Brgy. Ramon Magsaysay sa lungsod.

Isang nagngangalang Marlon Listing ang nakarinig ng malalakas na putok ng baril kaya’t agad siyang pumunta sa lugar. At dito niya nadiskubre ang bangkay ng nasabing biktima na si alyas Ok­lang.